Dagupan City – Inihayag ng Pangasinan Provincial Police Office (PPO), na ang pagdiriwang ng Holy Week sa buong lalawigan ay naging mapayapa, maayos, at matagumpay.
Ayo kay Pcapt Aileen Catugas na bunga ito ng sama-samang pagsisikap ng kapulisan, mga advocacy group, force multipliers, at mga mamamayan ng Pangasinan.
Anya na noong kasagsagan ng semana santa may binantayan ang kapulisan na 74 na lugar ng pagsamba sa lalawigan, pati na rin ang mga pangunahing pasyalan, terminal ng transportasyon, mga komersyal na establisimento, at mga lugar kung saan madalas dumagsa ang mga tao.
Ayon naman sa datos ng opisina, may kabuuang 1,893 na tauhan ng kapulisan ang ipinakalat sa mga estratehikong lugar sa buong lalawigan, kasama na rin ang mga miyembro ng mga advocacy group at dagdag na 37 na augmentation personnel na tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan.
Sa kabilang banda, nakitaan ang pagbaba ng mga kaso ng aksidente at krimen sa lalawigan.
Batay sa mga tala ng kapulisan, ang insidente na may pinakamaraming bilang na naitala ay ang mga vehicular traffic incidents na umabot sa 39 batay sa ibat ibang kaso.
Saad niya na 17 dito ang Damage to property habang 5 insidente naman sa kalsada ay nabibilang sa Homicide.
Pagbabahagi nito na kadalasang sanhi ng mga aksidente sa kalsada ay ang human error – tulad ng miscalculation sa pagmamaneho, labis na pag-overtake, at ang mga sariling pagkakamali ng mga drayber na naging dahilan ng mga insidente.
Sa mga kaso ng pagkalunod, dalawa lang ang naiulat sa lalawigan: isa sa isang irigasyon sa bayan ng Natividad kung saan isang 35-anyos na lalaki mula sa Nueva Vizcaya ang namatay, at isa naman sa bayan ng Sual kung saan ang biktima ay nakaligtas.
Idinagdag pa niya na mayroon din namang dalawang kaso ng physical injury, dalawang kaso ng rape, at isang kaso ng theft.
Bukod pa rito, mayroon din namang isang kaso ng pagnanakaw na nangyari sa bayan ng Villasis.
Binigyang-diin din ni PCapt. Catugas na kung ikukumpara ang mga kaso mula noong nakalipas na taon sa pagselebra ng Semana Santa na mas mababa ang bilang ng mga insidente ngayong taon.
Samantala, patuloy pa rin silang nakafull alert status, ngunit inaasahan na ibababa na ito sa normal na serbisyo ng pulisya sa mga darating na araw.
Sa huli, nagpasalamat ang PNP sa lahat ng mamamayan ng Pangasinan sa kanilang taus-pusong suporta at kooperasyon dahil nagpapatunay ito na sa pamamagitan ng pagkakaisa, disiplina, at pananampalataya, napanatili ang kapayapaan at kaayusan ng probinsya ng Pangasinan.










