Dagupan City – Nakaranas ng kakulangan sa tour guides ang lungsod ng Alaminos sa nakalipas na mga araw, dahilan upang makipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Department of Tourism (DOT) Region 1 para sa karagdagang pagsasanay ng mga bagong gabay sa turismo.
Ayon kay Miguel “Mike” Sison, Tourism Officer ng Alaminos City, umabot sa humigit-kumulang 65 ang rehistradong tour guides sa lungsod, ngunit sabay-sabay na naging abala ang mga ito sa kasagsagan ng pagdagsa ng mga turista. Dahil dito, kinailangan ang agarang hakbang upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa mga bumibisita sa mga pangunahing destinasyon, kabilang ang Hundred Islands National Park.
Bahagi ng hakbang ang pagsusumite ng kahilingan sa DOT para magsagawa ng panibagong training program. Gayunman, limitado lamang sa 30 hanggang 35 katao ang maaaring maisailalim sa bawat batch ng pagsasanay, na tumatagal ng tinatayang sampung araw. Sa kasalukuyan, nagsasagawa ang lokal na pamahalaan ng screening para sa mga interesadong maging tour guide bago sila sumailalim sa opisyal na training at accreditation ng DOT.
Malaki ang papel ng mga tour guide sa lokal na ekonomiya, dahil bukod sa pagtulong sa mga turista, tumatanggap din sila ng guide fee na nagsisilbing karagdagang kabuhayan. Itinuturing silang mahalagang stakeholders sa turismo ng lungsod.
Samantala, pinaigting din ang mga serbisyong pangkaligtasan at pangkalusugan sa mga pasyalan. May mga medical team na nakaantabay sa mga isla upang tumugon sa mga turista na maaaring makaranas ng hindi magandang pakiramdam dulot ng init ng panahon.
Patuloy rin ang pagpapaunlad sa iba pang atraksyon sa Alaminos, tulad ng mangrove park sa Barangay Buet na may halos isang kilometrong boardwalk. Mayroon ding mga alternatibong destinasyon gaya ng Bolo Beach para sa mga nais magtipid, at mga lugar tulad ng Ikawayan at Tecnodemo Farm para sa mga hindi mahilig sa paglangoy. Tampok din ang katedral ng lungsod bilang bahagi ng turismo.
Sa usapin ng maintenance, may nakatalagang mga tauhan mula sa lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya na regular na naglilinis at nagbabantay sa mga pasyalan. Maaga ring naglilinis ang mga maintenance team sa mga isla upang matiyak ang kaayusan bago dumating ang mga turista. Mayroon ding mga staff na nananatili sa isla para sa mga bisitang nag-o-overnight.
Sa kabila nito, aminado ang lokal na pamahalaan na patuloy pa nilang pinapalakas ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa mga krisis, lalo na sa sektor ng turismo, habang hinihintay ang mas malinaw na direktiba mula sa pambansang pamahalaan.
Kaugnay nito, pinayagan na rin ang pagtaas ng singil sa bangka matapos ang kaukulang direktiba mula sa Maritime Industry Authority (MARINA), bilang tulong sa mga boat operator na apektado ng pagtaas ng gastusin. Ang hakbang ay isinagawa sa pamamagitan ng resolusyon ng lokal na administrasyon upang matiyak ang balanse sa pagitan ng kapakanan ng mga turista at ng mga stakeholder sa turismo.










