Nagbanta si US President Donald Trump na magpapataw ang Estados Unidos ng 50% tariff sa anumang bansang magsu-supply ng armas sa Iran, kasabay ng pag-anunsyo ng posibleng pagtutulungan ng dalawang bansa matapos ang idineklarang dalawang linggong ceasefire.

Ayon sa Pangulo, tatalakayin ng dalawang bansa ang posibilidad ng pag-aalis ng mga taripa at sanctions na ipinataw ng U.S. sa Iran bilang bahagi ng mas malawak na kasunduan upang mapanatili ang kapayapaan.

Ibinahagi rin ni Trump na pumayag umano ang Iran sa ilang probisyon ng 15-point plan ng Estados Unidos na layong wakasan ang umiiral na tensyon at giyera.

--Ads--

Samantala, ayon kay U.S. Secretary of Defense Pete Hegseth, naging matagumpay ang kampanya ng U.S. Central Command (CENTCOM) katuwang ang Israel, gamit lamang ang mas mababa sa 10 porsyento ng kabuuang combat power ng Amerika.

Sa naturang operasyon, sinabi ng opisyal na malaki ang naging pinsala sa kakayahang militar ng Iran. Kabilang dito ang pagkawasak ng kanilang air force at air defense systems, pati na rin ang matinding paghina ng kanilang naval forces, kabilang ang mga drone aircraft carriers at submarines.

Dagdag pa rito, pinaniniwalaang naparalisa rin ang missile program ng Iran matapos targetin at wasakin ang mga production facilities at launchers nito.