Dagupan City – Hindi umabot sa inaasahang bilang ng mga bisita ang dumagsa sa Tondaligan Beach ngayong Semana Santa, ayon sa pamunuan ng lifeguards sa lugar.
Batay sa panayam kay Ella Oribello, Team Leader ng lifeguard, hindi naabot ang 50 porsyento ng inaasahang volume ng tao mula pa noong Lunes hanggang kasalukuyan.
Bagamat may ilang bisitang nagmula sa iba’t ibang bayan, nananatiling mas mababa ang bilang kumpara sa mga nakaraang taon kung saan umaabot sa buong kapasidad ang lugar.
Kapansin-pansin din umano ang kakulangan ng mga bisita sa mga cottage area, habang mas maraming tao ang nananatili sa unahang bahagi ng dalampasigan.
Sa kabila nito, nananatiling maayos ang sitwasyon sa lugar at patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad.
Ayon pa sa lifeguard team, may naitalang ilang insidente ng near drowning ngunit agad itong natugunan at walang kinailangang isugod sa ospital.
Mayroon ding mga kaso ng jellyfish sting, kung saan ilan sa mga biktima ay nakaranas ng allergic reaction at kinailangang dalhin sa ospital.
Ipinaliwanag na karaniwang lumalabas ang mga jellyfish kapag mainit ang panahon.
Sa kasalukuyan, may kabuuang 15 lifeguards na naka-deploy sa lugar, katuwang ang mga tauhan mula sa Philippine Coast Guard, CDRRMO, Bureau of Fire Protection, at Philippine National Police kabilang ang maritime unit upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Naka-24 oras din ang pagbabantay para sa seguridad at kaayusan, habang ang lifeguards ay naka-duty mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Mahigpit ding ipinatutupad ang no swimming policy pagsapit ng hapon, kung saan pinapaahon na ang mga naliligo upang maiwasan ang aksidente.
Samantala, patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa mga bisita na bantayan ang kanilang mga anak upang maiwasan ang pagkawala, at umiwas sa paglangoy kapag nakainom ng alak dahil ito ang karaniwang sanhi ng mga insidente ng pagkalunod.
Sa kabila ng mas mababang bilang ng mga bisita, nananatiling handa ang mga lifeguards at iba pang ahensya sa anumang sitwasyon upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng nagtutungo sa Tondaligan Beach.










