DAGUPAN CITY- Patuloy na naka-alerto ang lokal na pamahalaan ng Bayambang sa inaasahang pagdagsa ng mga deboto ngayong Semana Santa, partikular sa St. Vincent Ferrer Prayer Park kung saan matatagpuan ang pinakamataas na bamboo sculpture sa mundo at ang bagong santuwaryo ng nasabing santo.

Nakipag-ugnayan na ang LGU sa iba’t ibang ahensya tulad ng pulisya, MDRRMO, at BFP upang matiyak ang seguridad, kaayusan, at agarang pagtugon sa anumang emerhensiya, lalo na sa gitna ng matinding init ng panahon.

Ayon kay Dr. Rafael Saygo, supervising tourism officer, inaasahan nilang mas hihigit pa sa naitalang 150,000 bisita noong nakaraang taon ang darating ngayong Semana Santa.

--Ads--

Nanawagan din ang LGU sa publiko na panatilihin ang disiplina at solemnidad ng pagdiriwang sa pamamagitan ng pagtalima sa mga alituntunin ng mga awtoridad.

Ayon kay Saygo, bukod sa tanyag na bamboo sculpture na mas mataas pa umano kumpara sa ilang kilalang estatwa sa mundo, tampok din sa prayer park ang Stations of the Cross at kapilya na nagsisilbing lugar para sa taimtim na panalangin at pagninilay ng mga deboto.

Tiniyak ng pamahalaang bayan na bagamat walang nakalatag na malalaking aktibidad, handa ang lahat ng ahensya upang masiguro ang ligtas at mapayapang paggunita ng Semana Santa sa Bayambang, habang bukas ang kanilang bayan sa lahat ng nais bumisita.