Ipinatupad ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Pedro A Merrera III ang Executive Order No. 43, s. 2026 na naglalayong magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya at pagpapahusay ng operasyon sa mga tanggapan ng munisipyo.
Sa ilalim ng kautusan, isasakatuparan ang apat na araw na compressed workweek kung saan magtatrabaho ang mga empleyado ng tig-10 oras kada araw upang mabuo ang 40 oras na lingguhang trabaho.
Kasabay nito, ipatutupad ang mga energy conservation measures tulad ng pagbawas sa konsumo ng kuryente at gasolina, tamang paggamit ng air-conditioning, at limitasyon sa mga hindi kinakailangang biyahe ng mga sasakyan ng pamahalaan.
Nilinaw rin sa kautusan ang pagpapatupad ng special work arrangement sa Abril 1, 2026 alinsunod sa Office of the President of the Philippines Memorandum Circular No. 116, kung saan work-from-home lamang mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali at suspendido ang trabaho pagkatapos nito.
Itinakda na ang naturang araw ay may buong bayad at hindi ibabawas sa leave credits ng mga empleyado.
Binigyang-diin din na mananaig ang special arrangement para sa naturang petsa sa kabila ng umiiral na compressed work schedule, upang maiwasan ang kalituhan at matiyak ang pagsunod sa mga pambansang direktiba.
Samantala, ang mga tanggapang nagbibigay ng mahahalagang serbisyo tulad ng kalusugan, disaster response, at kapayapaan ay inaasahang magpapatuloy ng operasyon.
Ayon sa pamahalaang bayan, layunin ng kautusan na mapanatili ang tuloy-tuloy na serbisyo publiko habang pinangangalagaan ang paggamit ng pondo at enerhiya.
Inaasahan ding makatutulong ito upang maiwasan ang mga isyu sa audit at matiyak ang maayos na implementasyon ng mga patakaran sa ilalim ng umiiral na batas.










