Ipinahayag ni Pangasinan Governor Ramon V. Guico III ang plano ng pamahalaang panlalawigan na magtayo ng mga solar-powered charging stations bilang paghahanda sa pagpapalaganap ng electric vehicles (EVs) sa lalawigan.
Ayon sa gobernador, layunin ng proyekto na hikayatin ang paggamit ng mga sasakyang de-kuryente bilang alternatibo sa tumataas na presyo ng langis at upang makatulong sa pangangalaga ng kalikasan.
Kasabay nito, isusulong din ng lalawigan ang kauna-unahang Electric Vehicle Bus Rapid Transit (BRT) system sa Pangasinan. Ayon kay Guico, kahalintulad ito ng train system kung saan magkakaroon ng sariling linya ang mga electric bus, pati na rin ng mga nakatalagang bus stops at terminals.
Inaasahang makatutulong ang proyektong ito upang mapanatiling mababa ang pamasahe sa lalawigan, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng transportasyon sa ibang lugar.
Dagdag pa ng gobernador, bahagi ito ng mas malawak na plano ng pamahalaang panlalawigan para sa modernisasyon ng transportasyon at pagsusulong ng sustainable at environment-friendly na mga solusyon sa Pangasinan.










