Malugod ngunit may pag-aalinlangang tinanggap ng labor group na SENTRO ang P1.2 bilyong ayuda na inilaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawang apektado ng patuloy na energy crisis.

Ayon kay Josua Mata, Secretary General ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), bagamat positibong hakbang ang nasabing tulong, kinakailangan pa rin ng mas komprehensibong plano mula sa pamahalaan upang matugunan ang lumalalim na krisis.

Binigyang-diin niya na ang krisis ay hindi lamang usapin ng presyo at suplay ng langis, kundi pati na rin ng pagtaas ng presyo ng pagkain, kakulangan sa pataba, at posibleng pagkawala ng trabaho na maaaring humantong sa kagutuman.

--Ads--

Ilan sa mga pangunahing isyu na inilutang ng grupo ay ang kakulangan umano ng malinaw na direksyon ng pamahalaan at ang pagiging huli ng pagbibigay ng ayuda.

Hiniling din ng SENTRO ang paglilinaw mula sa DOLE kung sinu-sinong sektor ang saklaw ng ayuda.

Partikular nilang binanggit ang mga food at parcel delivery riders na umano’y hindi agad naisama sa mga naunang subsidiya, sa kabila ng malaking pagbagsak ng kanilang kita dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.

Iginiit din ng labor leader na hindi sapat ang P1.2 bilyon upang tugunan ang malawakang epekto ng krisis, lalo na kung magtatagal ito.

Aniya, patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng tubig, kuryente, at LPG, kaya’t kinakailangan ng mas pangmatagalang solusyon.

Kaugnay nito, muling isinusulong ng SENTRO ang panukalang P200 dagdag sa minimum wage bilang agarang hakbang upang matulungan ang mga manggagawa na makasabay sa tumataas na gastusin.

Sa huli, umaasa ang grupo na magiging mas maayos at episyente ang pamamahagi ng tulong, kasabay ng panawagan para sa mas malinaw at pangmatagalang solusyon sa kinakaharap na krisis ng bansa.