Dagupan City – Nanindigan ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na tuloy-tuloy ang lokal na produksyon sa bansa sa loob ng 60 araw sa kabila ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ang pangunahing dahilan ng produksyon ay ang maayos na harvest at delivery ng mga ani.
Sa kasalukuyan, kasi aniya, maganda ang kita ng mga magsasaka sa cropping season, kung saan umaabot sa ₱52 hanggang ₱53 kada kilo ang presyo ng bigas.
Dahil dito, sinabi ng SINAG na mararamdaman ng mga nagtatanim ang pagtaas ng gastusin, kaya naman nananawagan sila sa pamahalaan na maglatag ng sapat na preparasyon at magbigay ng subsidiya sa mga magsasaka.
Binanggit din nito ang nakaambang implementasyon ng excise tax sa fuel na pirmado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nakatakdang ipatupad sa Abril 12, 2026.
Subalit ayon sa grupo, hindi pa rin ito sapat upang tugunan ang halos dobleng pagtaas ng presyo ng krudo.
Sa kabilang dako, iba naman aniya ang sitwasyon sa sektor ng poultry.
Dahil aniya, bumaba umano ang farmgate price nito sa humigit-kumulang ₱65 kada kilo, mas mababa sa production cost.
Ayon kay So, dapat nasa halos ₱120 kada kilo ang tamang presyo upang mabawi ang gastos ng mga poultry raiser.
Ngunit sa kasalukuyan, nananatiling mataas ang presyo nito sa merkado, na aniya’y malayo sa inaasahang epekto ng pagbaba ng farmgate cost.
Ipinaabot din ng SINAG na may mga programa silang nakikita upang mapanatili ang tuloy-tuloy na produksyon sa loob ng susunod na 60 araw, at kung magkakaroon man ng pagtaas ng presyo, inaasahan itong magiging minimal lamang.
Matatandaang nauna nang nagbabala ang Department of Agriculture (DA) na posibleng tumaas pa ang presyo ng pagkain sa mga susunod na buwan, kabilang na ang karne ng manok na maaaring umabot sa ₱300 kada kilo.










