Dagupan City – Naglunsad ng information drive ang Binmaley Municipal Police Station sa Barangay Baybay Polong, Binmaley, Pangasinan noong Marso 27, 2026 upang palakasin ang kamalayan ng publiko hinggil sa kaligtasan ngayong panahon ng summer vacation.
Sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Lister A. Saygo, nagsagawa ang mga pulis ng pamamahagi ng informational leaflets at community dialogue sa mga residente.
Layunin ng aktibidad na maipabatid ang mahahalagang paalala kaugnay ng SUMVAC 2026 upang matiyak ang ligtas at maayos na paggunita ng bakasyon.
Kabilang sa mga binigyang-diin ay ang pag-iingat laban sa krimen, pagiging mapagmatyag sa komunidad, at pagsunod sa mga alituntunin sa kaligtasan sa iba’t ibang aktibidad ngayong tag-init.
Patuloy naman ang panawagan ng kapulisan sa publiko na makipagtulungan at maging responsable upang maiwasan ang anumang insidente at mapanatili ang kaayusan sa kanilang lugar.










