Naglunsad ang China ng dalawang imbestigasyon laban sa trade practices ng Estados Unidos, bilang tugon sa nalalapit na pagbisita ni U.S. President Donald Trump sa Mayo.

Ayon sa Ministry of Commerce ng China, ang imbestigasyon ay isinagawa upang protektahan ang interes ng mga lokal na industriya ng bansa at bilang tugon narin sa naunang U.S. tariff laban sa ilang bansa, kabilang ang na China.

Iginiit din ng Beijing ang kanilang “firm opposition” sa mga hakbang ng Amerika.

--Ads--

Isa sa mga imbestigasyon ay susuri sa mga polisiya ng U.S. na umano’y naghihigpit sa pagpasok ng mga Chinese products sa kanilang pamilihan, pati na rin ang limitasyon sa pag-export ng advanced technology ng China.

Ang ikalawa naman ay nakatuon sa mga humahadlang sa pag-export ng green energy products ng China.

Inaasahang tatagal ng anim na buwan ang mga imbestigasyon, na maaari pang palawigin ng karagdagang tatlong buwan kung kinakailangan.

Itinuturing din itong panibagong yugto ng China sa matagal nang trade war sa Estados Unidos at posibleng magsilbing bargaining tool laban sa posibleng bagong taripa ng Amerika.

Samantala, nauna nang ibinasura ng U.S. Supreme Court ang ilan sa mga naunang taripa ni Trump, na sinundan naman ng paglulunsad ng tinatawag na “Section 301” trade investigations.

Kabilang sa mga iniimbestigahan ang umano’y labis na kapasidad sa produksyon at subsidies ng gobyerno na nagbibigay ng hindi patas na bentahe sa mga Chinese company at iba pang dayuhan laban sa mga negosyo sa U.S.

Saklaw nito ang 16 trading partners, kabilang ang European Union, at maaaring humantong sa mas mataas na taripa.

Isa pang imbestigasyon ang tumututok sa posibleng pagbabawal sa pag-import ng mga produktong gawa sa sapilitan mula sa iba’t ibang bansa, kabilang na riyan ang China.

Nagbabala naman ang trade representative ng China sa kamakailang pag-uusap sa pagitan ng dalawang bansa sa Paris na maaaring maapektuhan ang matagal nang pinaghirapang stability ng kanilang ugnayang pang-ekonomiya.