Dagupan City – Inaasahang magpapabilis sa serbisyo at pagresponde ng sunog at iba pang sakuna ang pagbabalik sa bagong building ng Bureau of Fire Protection sa Barangay Herrero-Perez.
Ayon kay Kapitan Generoso Gomez ng nasabing barangay, na hindi lamang sila ang makikinabang sa pagbabalik ng mga pwersa ng kabomberohan sa lugar kundi buong Dagupan na nakikitang magpapahusay ng kanilang serbisyo.
Aniya na kasalukuyang mahigit 90 % nang kumpleto ang ginagawang bagong building na nagsimula pa noong 2025 at isa sa itinuturing na pinakamodernong pasilidad ng BFP sa rehiyon.
Bagama’t may ilang finishing touches pa tulad ng pagpipinta, fully operational na ito at handa nang magbigay serbisyo.
Malaking ginhawa at pakinabang ito sa komunidad dahil sa gitna mismo ng siyudad matatagpuan.
Matatandaan na dating nasa Dagupan Terminal sa De Venecia Road ang nasabing opisina habang ginagawa ang konstruksyon, na medyo malayo sa mismong bayan.
Paliwanag ni Kapitan Gomez, ang kinalalagyan ngayon ng BFP ay nasa puso ng siyudad, na may direktang access sa Perez Boulevard at iba pang pangunahing kalsada.
Ito ay magbibigay-daan sa mas mabilis na paglabas ng mga Fire truck at agarang pagresponde sa anumang lugar na nangangailangan ng tulong.
Aktibo ring tumutulong ang Barangay Herrero-Perez sa pagtiyak na walang sagabal sa daanan ng mga fire truck, upang masigurong walang makahaharang sa paglabas at pagpasok ng mga ito.
Sa kabilang banda, wala pa naman aniyang insidente ng sunog sa kanilang nasasakupan ngunit nanawagan ang opisyal sa mga residente at establisyimento na regular na i-check ang kanilang mga electrical wiring upang maiwasan ang anumang insidente ng sunog.
Sa pagkakaroon ng bago at mas maayos na pasilidad, kasama pa ang mga bagong fire trucks at mga staff, inaasahang mas mapapabilis at mapapabuti ng BFP ang kanilang serbisyo lalo na ngayong Fire Prevention Month.










