DAGUPAN CITY- Maliit na apoy sa loob na bahagi ng portable stove at init mula sa niluluto ang sanhi umano ng malakas na pagsabog nito sa isang kainan sa Dagupan City.
Kamakailan lamang ito nangyari kung saan kinasangkutan ng mga estudyanteng customers.
Ayon kay FCINSP. Jhun Eland Wanawan, City Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection (BFP), Dagupan City, “boiling liquid expanding vapor explosion” kung kanilang tawagin ang naturang pangyayari.
Kaniyang idinetalye ito kay Mayor Belen Fernandez, alkalde ng bayan, kung saan hindi umano napansin ang maliit na apoy sa gilid ng stove kung saan malapit ang butane gas canister.
Bukod pa riyan, nagdulot din ang init mula sa niluluto upang mas maging malakas ang pagsabog nito.
Ayon kay FCINSP. Wanawan, hindi nararapat na gumamit ng portable stoves sa loob ng anumang establishimento at paulit-ulit.
Aniya, ang disenyo ng portable stoves ay para lamang sa outdoor activities, katulad ng camping.
Ang butane gas canister naman nito, bagaman refillable, mas mabuti kung isang beses lamang ito gamitin.
Inirerekomenda niya na gumamit na lamang ng uling ang mga katulad na restaurant kung saan ang mga customers ang nagluluto.
Maaari rin ang paggamit ng LPG ngunit mas mabuti kung nakapwesto ito sa labas ng establishimento habang mayroon itong pipes na nakakonekta sa lamesa ng mga customers.










