Magpapadala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng barko para bantayan at tiyakin ang kaligtasan ng ika-apat na civilian mission ng Atin Ito Coalition sa West Philippine Sea (WPS) sa Abril.

Kinumpirma ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Jay Tarriela, na magpapadala sila ng barko upang magsilbing escort at masiguro ang seguridad ng mga sibilyan sa gitna ng posibleng presensya ng Chinese Coast Guard (CCG).

Ito ay kahit pa ang naturang misyon ay independent civilian initiative.

--Ads--

Ayon kay Tarriela, ang Atin ito convoy ay inisyatibo ng civil society at boluntaryo at hindi sila inudyok o pinuwersa na magkaroon ng ikaapat na civilian mission.

Ikinalugod naman ng PCG official ang lumalaking partisipasyon ng publiko sa ganitong mga sibilyan na misyon, na nagpapakita ng mataas na kamalayan ng mga Pilipino sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa.

Layunin ng convoy na ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas sa WPS at maghatid ng suporta sa mga mangingisda at residente sa Pag-asa Island.

Nauna ng sinabi ni Atin Ito Coalition co-convenor Rafaela David na target ng panibagong civilian mission na matugunan ang mga isyu tulad ng mga aktibidad ng pag-eespiya ng China sa bansa at epekto ng tumataas na presyo ng langis sa mga mangingisdang Pilipino.