DAGUPAN CITY- Hindi ikinatuwa ng National Public Transport Coalition ang pagbawi ng pamahalaan sa inaprubahang P1 fare increase.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ariel Lim, Presidente ng grupo, kung hindi man sila mabibigyan ng agarang tuloy, kusa nang titigil ang transportasyon sa bansa at hindi na kakailanganin pa ng transport strike.
Giit niya, hindi kakayanin ng mga tsuper na patuloy mag-abono para lamang sa pagpapagasolina upang makapasada lamang.
Makikita lamang na hindi handa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng magandang solusyon para tugunan ang kinakaharap na problema.
Hindi naman aniya sapat ang mga binibigay na ayuda sapagkat hindi naman ito pangmatagalan.
Saad pa ni Lim na ang kamakailan natanggap na tulong ay mula pa sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development at hindi pa dumadating ang para talaga sa transport sector.
Gusto man nilan magpatuloy na magbigay serbisyo sa mga mananakay subalit, mayroon naman silang pamilya na kailangan buhayin sa araw araw.










