May karapatan at proteksyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Tamayo, Co-anchor ng Duralex Sedlex na may malinaw na obligasyon ang pamahalaan ng Pilipinas na protektahan ang lahat ng mamamayan nito, kabilang ang mga OFW na nagtatrabaho sa mga bansang posibleng maapektuhan ng kaguluhan o digmaan.

Ayon sa kanya, nakasaad sa Republic Act No. 8042, na inamyendahan ng Republic Act No. 10022 at Republic Act No. 11641, ang mga pangunahing karapatan ng mga OFW, kabilang ang proteksyon, repatriation, at agarang tulong sa oras ng krisis.

--Ads--

Ipinaliwanag din nito na kapag nagkaroon ng digmaan, pandemya, o seryosong kaguluhan sa isang bansa, maaaring ipatupad ng pamahalaan ang mandatory repatriation o sapilitang pagpapauwi sa mga OFW upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Sa ilalim ng batas, pangunahing responsibilidad ng recruitment agency ang gastusin sa repatriation ng manggagawa.

Gayunman, kung wala na ang ahensya o hindi nito kayang tugunan ang pangangailangan, papasok ang embahada ng Pilipinas upang magbigay ng tulong at ayusin ang pag-uwi ng mga Pilipino.

Bukod dito, may nakalaan ding emergency assistance, kabilang ang pagkain, gamot, transportasyon, at iba pang pangangailangan ng mga OFW na naapektuhan ng kaguluhan.

Ayon pa kay Tamayo, may mahalagang papel ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pagtukoy at pagmonitor sa kalagayan ng mga OFW sa ibang bansa, lalo na sa mga lugar na may tensyon.

Mayroon ding mandatory insurance coverage ang mga OFW na sumasaklaw sa aksidente, pagkamatay—natural man o dulot ng insidente—permanent disability, at repatriation.

Saklaw din ng tulong ng pamahalaan ang medical at psychological assistance, lalo na sa mga OFW na maaaring makaranas ng trauma dahil sa digmaan o krisis.

Kabilang dito ang post-traumatic services at iba pang medical support kapag sila ay nakauwi na sa bansa.

Binigyang-diin ng abogado na mahalagang manatiling updated ang mga pamilya ng OFWs tungkol sa kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay sa ibang bansa.

Pinayuhan niya ang publiko na makipag-ugnayan sa OWWA sa pamamagitan ng hotline 1348 o sa kanilang online portal na tulong.owa.gov.ph upang makakuha ng impormasyon at agarang tulong.