DAGUPAN CITY- Hindi sapat ang pagsuspinde lamang ng gobyerno sa excise tax para sa produktong petrolyo upang matugunan ang krisis na kinakaharap ng bansa dulot ng giyera sa Middle East.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sonny Africa, Executive director ng Ibon Foundation, aniya, marami pa ang kailangan gawin ng pamahalaan upang malampasan ng bansa epekto ng walang kasiguraduhang pagtagal ng giyera.
Kinakailangan ng gobyerno na agad magpatupad ng long-term solution para maisalba ang mga Pilipino, partikular na ang mga pamilyang aminadong nasa estado ng kahirapan.
Hindi dapat umasa ang pamahalaan sa iisa o dalawang solusyon kung kakaonti lamang ang maaapektuhan nito.
Giit niya na hindi malaking sakripisyo ang pagsuspinde ng excise tax dahil ibabawi naman sa Value-Added Tax (VAT) ang pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Mungkahi ni Africa na dapat ibasura ang oil deregulation law upang matiyak ang transparency ng mga pribadong kompanya ng langis sa pagpresyo ng petrolyo at muling magkaroon ng kapangyarihan ang gobyerno na pakialaman ito.
Bukod pa riyan, dapat magkaroon ang bansa ng sarili nitong kumpanya ng langis upang mabigyan halaga ang interes ng publiko.
Dapat din mas taasan pa ang paniningil ng buwis sa milyonaro at bilyonaryong Pilipino upang magkaroon pa ng pondo ang bansa.
Pagdating sa sektor ng transportasyon, hindi sapat ang pagbibigay ng P5,000 na ayuda dahil panandalian lamang ito at hindi lahat ay maaabutan.
Pang-press release lamang ito kung isa o dalawang beses lamang mabibigyan ang mga tsuper.










