DAGUPAN CITY—Sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran, sinabi ni Kristine Soriano na patuloy silang sumusunod sa mga alituntunin ng Embassy of the Philippines in Israel habang mino-monitor ang sitwasyon sa bansa.
Ayon kay Soriano, dalawang linggo na mula nang magsimula ang labanan at mas kaunti na ang mga air attack kumpara sa mga unang araw. Gayunman, may mga pag-atake pa ring sabay-sabay na inilulunsad, at may ilang missile na nakalulusot sa defense system kaya mahalagang agad na magtungo sa bomb shelter kapag may babala.
Sa kabila ng umiiral na tensyon, sinabi ni Soriano na wala siyang planong magpa-repatriate sa ngayon. Aniya, para sa kanya ay mas ligtas pa rin ang pananatili sa Israel kaysa sa Pilipinas. Dagdag pa niya, naging pamilyar na sa maraming residente at maging sa mga beteranong overseas Filipino workers ang mga ganitong sitwasyon dahil sa paulit-ulit na tensyon sa rehiyon.
Ipinunto rin niya na hangga’t hindi nagdedeklara ang Embahada ng Pilipinas na kinakailangan ang malawakang paglikas dahil sa matinding panganib, mas pinipili niyang manatili sa Israel kung saan sa kanyang pananaw ay mas ligtas ang kasalukuyang kalagayan.










