DAGUPAN CITY—Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers-Philippines sa pamahalaan na mas paigtingin ang konsultasyon sa mga guro, estudyante, at magulang bago magpatupad ng mga panukalang batas o polisiya na may kinalaman sa sektor ng edukasyon. Ayon kay Ruby Bernardo, mahalagang marinig ang boses ng mga nasa mismong paaralan upang matiyak na ang mga ipatutupad na hakbang ay akma sa aktwal na kalagayan sa mga silid-aralan.
Isa sa mga binanggit na halimbawa ng grupo ay ang planong pagpapatupad ng 4+1 blended learning model na ayon sa pamahalaan ay makatutulong upang mabawasan ang siksikan sa mga classroom. Gayunman, iginiit ng grupo na ang ganitong hakbang ay maituturing lamang na pansamantalang solusyon sa mas malalim na suliranin sa sistema ng edukasyon.
Binigyang-diin ng organisasyon na may ilang mahahalagang salik na dapat munang pag-aralan bago tuluyang ipatupad ang ganitong modelo ng pag-aaral. Kabilang dito ang accessibility ng mga estudyante sa internet, dahil marami pa rin ang walang sapat o matatag na koneksyon para makasabay sa online learning. Isa rin sa mga alalahanin ng mga guro ang modular learning, kung saan nahihirapan silang matiyak kung ang mga estudyante mismo ang sumasagot sa mga module o kung may ibang taong gumagawa nito para sa kanila.
Ayon sa grupo, ilan lamang ito sa mga usaping kailangang tutukan at suportahan ng pamahalaan upang masigurong epektibo ang anumang reporma sa edukasyon. Nagbabala rin sila na kung hindi maayos na mapaplano ang mga hakbang, maaari itong magpalala sa kasalukuyang learning crisis sa bansa, hindi lamang sa aspeto ng kakayahang akademiko kundi pati na rin sa kakayahang pinansyal ng mga mag-aaral.
Sa huli, muling iginiit ng organisasyon ang kanilang mga panawagan para sa pagtaas ng sahod ng mga guro, pagdagdag sa Personal Economic Relief Allowance, at pagbawas sa mga buwis na matagal nang nagpapabigat sa mga karaniwang Pilipino, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin na inuugnay sa kasalukuyang tensyon sa Gitnang Silangan.










