Bumagsak ang Philippine peso pabalik sa P59:$1 nitong Biyernes, Marso 13, matapos ang siyam (9) na araw na pagbaba kontra dolyar, ayon sa datos ng Bankers’ Association of the Philippines (BAP).

Nagtapos ang piso sa P59.735:$1, mas mataas ng 35 centavos mula sa P59.385 noong Huwebes, Marso 12, 2026.

Nabatid na ang pagbaba ng piso ay dulot parin ng kombinasyon ng mas mataas na presyo ng langis, mas malakas na dolyar, at muling pag-iingat ng mga mamumuhunan dahil sa geopolitical tensions.

--Ads--

Kasabay pa nito ang tumataas na presyo ng enerhiya at trade deficit, habang ang global uncertainty ay nagtutulak ng pondo sa mga safe haven tulad ng dolyar.

Maaaring bunga rin daw ito ng “mixed signals” mula sa administrasyon ni U.S. President Donald Trump at ng kamakailang datos sa foreign direct investments (FDI) ayon sa mga eksperto.

Ipinakita ng paunang datos mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang net FDI inflows sa bansa ay $7.8 billion para sa Enero–Disyembre 2025, bumaba ng 17.1% mula sa $9.4 billion noong parehong panahon ng 2024.

Posibleng manatiling pabagu-bago ang piso sa pagitan ng P59 at P59.50 sa mga susunod na araw, na nakadepende sa presyo ng langis at pag-baba ng tensyon sa Middle East ayon sa ilang economist.