Ipinaliwanag ng Department of Science and Technology ang kahulugan ng “The Big One” at ang kinakailangang paghahanda upang maprotektahan ang buhay at ari-arian laban sa malaking panganib ng malalakas na lindol.

Ayon kay DOST Sec. Renato Solidum Jr. ang “The Big One” ay tumutukoy sa isang napakalakas na pagyanig na maaaring magdulot ng seryosong pinsala sa tao, ari-arian, at kabuhayan.

Binigyang-diin ng kalihim na bawat rehiyon sa bansa ay may kani-kaniyang posibleng malaking lindol kung saa sa Metro Manila, ang tinatawag na “The Big One” ay hindi mararamdaman sa Pangasinan.

--Ads--

Sa lalawigan ng Pangasinan naman ay may dalawang pangunahing pinagmumulan ng lindol gaya ng Philippine Fault Zone at ang Manila Trench.

Dagdag niya na kailangang mahigpit na sundin ang building code upang mapatatag ang mga gusali sa harap ng malalakas na pagyanig, lalong-lalo na kapag ang gumalaw ang mga fault na nasa lupa.

Tinalakay din ng kalihim ang panganib ng tsunami na maaaring idulot ng paggalaw ng Manila Trench, at pagbibigay-diin sa kahalagahan ng mga early warning system tulad ng mga naitayo sa Lingayen Gulf at sa Bolinao.

Samantala, pinuri niya ang mga inisyatiba ng lokal na pamahalaan sa pagsasanay sa paglilikas at pagpapanatili ng mga sirena upang agad na maabisuhan ang mga residente sakaling may paparating na tsunami.

Pagbabahagi nito na hindi dapat balewalain ang maliliit na lindol dahil maaari itong magsilbing paunang senyales ng mas malalakas pang pagyanig kaya’t mahalagang palaging handa ang bawat isa at alam ang tamang gagawin habang at pagkatapos ng isang lindol upang mabawasan ang panganib.

Bilang paghahanda sa lindol, isinagawa kahapon ang Nationwide simultaneous Earthquake Drill sa iba’t ibang rehiyon sa bansa na sinalihan ng mga lokal na komunidad, paaralan, at mga tanggapan ng gobyerno.

Layunin ng drill na palakasin ang kamalayan sa kahalagahan ng (Drop, Cover, and Hold On) bilang pangunahing hakbang sa kaligtasan tuwing may lindol.