DAGUPAN CITY- Nakiisa ang buong bayan ng Calasiao sa ginanap na First Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong Marso 12 bilang bahagi ng patuloy na paghahanda ng bansa sa posibleng pagyanig ng lindol.

Ang earthquake drill ay pinangungunahan ng Office of Civil Defense (OCD) sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Isinagawa ang sabayang pagsasanay sa buong Pilipinas kabilang ang mga paaralan, opisina, lokal na pamahalaan, at komunidad.

--Ads--

Bahagi ng drill ang pagsunod sa safety procedure na Duck, Cover, and Hold at ang maayos na paglikas ng mga kalahok patungo sa itinakdang assembly area matapos ang simulated na lindol.

Ang NSED ay isinasagawa apat na beses bawat taon.

Ayon kay MDRRMO Calasiao spokesperson Kristine Joy Soriano, aktibong lumahok ang mga tanggapan ng munisipyo at isinagawa ang iba’t ibang scenario sa municipal building at town plaza upang masubok ang kakayahan ng mga responder sa oras ng sakuna.

Ibinahagi ni Soriano na kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang rescue operations, firefighting demonstration kasama ang Bureau of Fire Protection, at mga senaryong may kinalaman sa commotion na pinangasiwaan ng Philippine National Police.

Nakipagtulungan din ang MDRRMO at Municipal Health Office sa pagsasagawa ng rescue operations para sa mga empleyadong ginawang simulated injured victims.

Hinimok din ni Soriano ang mga residente na patuloy na makiisa at makipag-ugnayan sa mga isinasagawang disaster drills upang matiyak ang kahandaan at kaligtasan ng komunidad sakaling magkaroon ng tunay na sakuna.

Samantala, sinabi ni Calasiao Mayor Patrick Caramat na mahalagang maging handa ang bawat isa sa posibleng mga sakuna tulad ng lindol at sunog, at mas mabuting maging preparado kaysa mabigla kapag may emergency na mangyari.

Inihayag din ng alkalde na nagsagawa rin ng disaster response exercise ang Community Emergency Response Team o CERT na binubuo ng mga opisina ng barangay, iba’t ibang community-based organizations at mga volunteer mula sa iba’t ibang barangay.

Isinabay rin ang aktibidad sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong Marso kung saan nagsagawa ng Firelympics kasama ang Bureau of Fire Protection upang higit pang palakasin ang kaalaman at kakayahan ng komunidad sa pagresponde sa mga insidente ng sunog.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Calasiao na patuloy itong nakahandang tumulong at rumesponde sa anumang hindi inaasahang insidente upang mapanatili ang kaligtasan ng mamamayan.