Tiniyak ni Gov. Ramon V. Guico III na tuloy-tuloy na maihahatid ng pamahalaang panlalawigan ang mga serbisyo sa Kapitolyo para sa mga Pangasinense sa kabila ng ilang pagbabagong ipatutupad, kabilang ang 4-day work week, bunsod ng nararanasang krisis sa petrolyo.

Ayon sa gobernador, patuloy pang pinag-aaralan ng pamahalaang panlalawigan ang iba pang hakbang bilang tugon sa kakulangan ng suplay ng petrolyo sa bansa na dulot ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.

Binigyang-diin ni Guico na hindi kinakailangang isakripisyo ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan, lalo na sa mga ospital ng lalawigan.

--Ads--

Sa kabila ng mga hakbang tulad ng pagbabago sa iskedyul ng mga empleyado at pagtitipid sa paggamit ng mga produktong petrolyo, mananatiling tuloy-tuloy ang operasyon ng mga frontliner sa mga pagamutan.

Kasabay nito, hinimok ng gobernador ang mga Pangasinense na manalangin at magtipid, lalo na sa paggamit ng mga bagay na nangangailangan ng produktong langis, dahil hindi pa matiyak kung hanggang kailan magpapatuloy ang kaguluhan sa Middle East o kung kailan babalik sa normal ang suplay ng langis sa buong mundo.

Samantala, patuloy ang ginagawang monitoring ng lalawigan sa galaw ng presyo ng langis. Kasabay nito ang panawagan sa mga negosyante at mga gasolinahan na huwag samantalahin ang kasalukuyang krisis sa pamamagitan ng pagho-hoard o pag-iimbak ng mga produktong petrolyo, o ang pagtaas ng presyo ng langis na lampas sa itinakdang presyo ng Department of Energy.