Dagupan City – Nagpapatuloy ang National Irrigation Administration (NIA) Region 1 sa pagbibigay ng makabagong solusyon sa mga magsasaka sa pamamagitan ng solar power irrigation system, lalo na sa harap ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Engr. Geffrey Catulin, Acting Regional Manager ng NIA Region 1, ang proyekto ay nagsimula pa noong 2021 ngunit dati ay limitado lamang ang mga solar irrigation installations.
Sa kasalukuyan, mas dumarami na ang nakikinabang nito, partikular na sa mga lugar kung saan hindi umaabot ang tubig mula sa kanal at madalas gumagamit pa rin ng diesel pumps na nagdudulot ng mataas na gastos dahil sa tumataas na presyo ng petrolyo.
Saad niya na sa Region 1, may 250 na mga magsasaka o farmer beneficiaries na kasalukuyang gumagamit ng Solar Power Irrigation Projects (SPIP), na sumasakop sa 125 hektarya ng bagong taniman at 25 hektarya ng nare-restore na lupain.
Para makakuha ng solar pump, kinakailangan lamang ng resolusyon mula sa irrigators association, barangay captain, o munisipyo.
Pagkatapos nito, nagpapadala ang NIA ng mga tauhan upang inspeksyunin ang lugar gamit ang geo-resistivity machine upang masigurong may sapat na tubig para sa irigasyon bago mai-install ang solar pumps.
Mahalaga ito upang maiwasan na mailagay ang solar pumping system sa lugar na walang sapat na suplay ng tubig.
Ipinagmamalaki naman ni Engr. Catulin ang bahagi ng proyekto na gumagamit ng artificial intelligence (AI), na nagpapahintulot sa masusing pagsubaybay sa kalagayan ng taniman.
Sa pamamagitan ng satellite technology, nakikita ang estado ng palay, mula sa pagtubo hanggang sa pagharap sa mga posibleng sakit, pati na rin ang kondisyon ng tubig sa sakahan, na nagbibigay-daan para sa mas epektibong pamamahala.
Samantala, Ang solar power irrigation system ng NIA Region 1 ay malaking tulong sa mga magsasaka sa lalawigan ng Pangasinan upang mapanatili ang kanilang ani at makaagapay sa mga hamon dulot ng pagtaas ng presyo ng langis, habang isinusulong ang paggamit ng malinis na enerhiya at sustenableng pamamaraan sa agrikultura.










