DAGUPAN CITY- “Walang magawa kundi kumapit sa malaking problema.”

Ganito ang nararamdaman ng National Public Transport Coalition sa malaking pagtaas sa presyo ng petrolyo dahil sa Middle East War.

Ayon kay Ariel Lim, Presidente ng grupo, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, dapat mas tutukan ng gobyerno ang public transportation dahil manipis lang ang ayuda bilang pagtugon sa krisis.

--Ads--

Giit niya, mas pangmatagalan ang tulong ng pagtigil sa pangongolekta ng Excise tax upang maibsan ang paglaki ng pump price.

Nararapat lamang na magkaroon ng programang pagtanggal sa buwis na ito dahil matagal na itong problema sa kanilang sektor.

Pinapatagal umano nito ang natatannggap nilang ayuda, kung saan umaabot pa ng isang buwan.

Bukod pa riyan, makakatulong din sa kanilang serbisyo ang maliit na pagtaas ng pamasahe.

Mungkahi ni Lim na pagtuonan ang pagtulong sa public transportation dahil malaki ang kanilang papel sa bansa, partikular na sa mga mananakay.

Hindi rin naman sasapat ang programang libreng sakay ng gobyerno.

Ayon kay Lim, sa tuwing nagkakaroon ng giyera ay dapat agarang tinutugunan ng gobyerno ang suplay ng petrolyo ang bansa dahil sa dumarami ang sasakyan sa kalsada.

Sa ganitong sitwasyon ay hindi mawawala ang panic buying ng mga konsumer na mauuwi sa pagkaubos ng suplay.