DAGUPAN CITY- Nag-aalala ang mga tsuper at operator ng transportasyon sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, kasabay ng lumalalang tensyon sa Middle East.
Ayon sa ulat, marami sa kanila ang nahihirapang makapag-operate at nanganganib mawalan ng kita, dahil maaaring umabot sa 100 pesos kada litro ang diesel.
Ayon kay Liberty de Luna, National President, Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), hinihiling nila sa gobyerno na ipatupad ang fuel subsidy para sa transport sectors, kabilang ang service contracting, cooperative, korporasyon, at tradisyonal na operator na hindi pa nakapagpalit ng modernized na sasakyan.
Aniya, kung hindi mabibigyan ng agarang tulong, posibleng mawalan ng sasakyan ang mga pasahero at tuluyang maaapektuhan ang kabuhayan ng mga transport worker.
Nabatid din na may ilan sa mga operator na pumipilit pang umikot ang kanilang serbisyo sa kabila ng mataas na presyo ng gasolina, ngunit unti-unti na rin silang nawawalan ng kita.
Dagdag pa ni de Luna, nakakaalarma ang sitwasyon lalo na kung magpapatuloy ang tensyon sa Middle East, dahil apektado ang supply at presyo ng diesel sa bansa.
Nanawagan ang grupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) na maglabas ng agarang desisyon upang matulungan ang transport sectors at maiwasan ang mas malalang krisis sa pamasahe at serbisyo sa mga pasahero.










