Mula sa pagiging isang masiglang lungsod ng turismo, nagsisimula na ngayong patatagin ng Alaminos ang kanyang posisyon bilang isang umuusbong na sentro ng akademya, inobasyon, at negosyo sa Rehiyon 1.

Ito ay kasunod ng pagsisimula ng konstruksyon ng Alaminos City College (ACC) sa bagong business district ng lungsod sa Brgy. Tanaytay.

Ang nasabing proyekto ay inisyatiba ni Mayor Arth Bryan C. Celeste katuwang ang city council, ang pamahalaang panlalawigan at ang Commission on Higher Education .

--Ads--

Sinabi ni Celeste na ninais nilang magkaroon ng City College dahil punuan na ang Pangasinan State University at may limit na rin ang bilang ng mga mag aaral.

Aniya, sa bagong kolehiyo ay mag-aalok sa mga estudyante ng Alaminos ng iba’t ibang kurso na nakaayon sa mga umuusbong na industriya at mga trend sa hinaharap na trabaho tulad ng agri-business, turismo, at information technology.

Ayon pa sa alkalde, ang pagtatayo ng bagong makabago at modernong city college sa Alaminos ay inaasahang magpapalakas sa provincial and regional development , sabay na pinalalawak ang access sa abot-kayan, inklusibo, at de-kalidad na edukasyon sa Rehiyon 1.

Ang nasabing ACC ay target na tapusin sa loob ng dalawang taon.