Bumagal ang pagtaas ng presyo ng wholesale goods sa pinakamababang antas sa mahigit anim na taon noong Enero dulot ng mas mabagal na taunang pagtaas sa presyo ng mga kemikal, kabilang ang animal at vegetable oils and fats.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang general wholesale price index (GWPI) sa national level ay bumagal sa 1.6% year on year noong Enero mula 2.9% noong nakaraang taon at 1.9% noong December 2025.
Ito ang pinakamabagal na pagtaas sa loob ng mahigit anim na taon o magmula nang maitala ang 1.5% paglago noong July 2019.
Iniugnay ng PSA ang pagbagal sa bulk price sa index ng chemicals, kabilang ang animal at vegetable oils and fats sa 2.5% noong Enero mula 5.1% noong December 2025. Ang index ay bumubuo sa 10.1% ng wholesale basket ng mga kalakal.
Iniulat din ng PSA ang mas mabagal na pagtaas sa beverages and tobacco (2.1% noong Enero mula 3.2% noong Disyembre), crude materials, inedible except fuels (3.1% mula 13.3%), at machinery and transport equipment (0.3% mula 0.8%).
Ang mineral fuels, lubricants and related materials index ay nagtala ng year-on-year decline na 0.4% mula sa 2.8% pagtaas noong December 2025.
Samantala, ang GWPI ng major island group ay magkakaiba noong Enero.
Ang GWPI ng Luzon ay bumagal sa 1.5% noong Enero mula 3.2% noong nakaraang taon at 1.8% noong Disyembre.
Ito rin ang pinakamabagal sa loob ng mahigit anim na taon o magmula nang maitala ang 1.4% noong July 2019.








