Dagdag gastos sa operasyon ng CENPELCO ang pagtaas ng presyo ng langis.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rodrigo Corpuz – General Manager, Central Pangasinan Electric Cooperative, ang pinakamalaking epekto ay ang pagtaas ng operational cost, partikular sa mobility at paggamit ng mga sasakyan para sa pagtugon sa mga tawag ng mga kliyente at sa regular na trabaho ng kooperatiba.

Gayunpaman, sinabi niya na hindi pwedeng itaas ang singil sa kuryente sa kabila ng pagtaas ng gastusin.

--Ads--

Umaasa ito na ang kasalukuyang pagtaas ng presyo ng petroleum products ay hindi rin magdulot ng pagtaas sa presyo ng coal at natural gas na ginagamit ng kanilang generating power plant.

Dahil kung maapektuhan ang supply ng coal, doon lamang maaaring magkaroon ng dagdag sa bill ng mga konsumer.

Ipinaliwanag pa nito na ang kasalukuyang pagtaas sa presyo ng langis ay nakakaapekto lamang sa budget ng operasyon ng kooperatiba at hindi sa rate ng kuryente.

Nanawagan naman si Corpuz sa mga konsumer na maging responsable sa paggamit ng kuryente at petroleum products upang makatulong sa pangkalahatang pagtipid at sa pagpapanatili ng maayos na operasyon ng CENPELCO.