Dagupan City – Nagdagsaan ang mga mamimili ng liquefied petroleum gas (LPG) sa ilang bahagi ng Pangasinan matapos kumalat ang balitang posibleng tumaas ang presyo nito ngayong Marso, kahit wala pang opisyal na price adjustment ang mga supplier.
Karaniwang nag-aanunsyo ng bagong presyo ang mga supplier ng LPG tuwing unang araw ng buwan, ngunit hanggang sa ngayon ay wala pang ipinatutupad na pagbabago sa presyo para sa Marso 2026.
Gayunman, ayon sa ilang nagbebenta, nakatanggap na sila ng abiso mula sa mga supplier na posibleng magkaroon ng pagtaas sa presyo sa mga susunod na araw, bagama’t hindi pa tiyak kung magkano ang magiging dagdag.
Dahil dito, mas maagang bumibili ng LPG ang ilang konsyumer upang makaiwas sa inaasahang pagmahal.
Ayon sa ilang retailer, halos dumoble ang kanilang benta mula nang magsimula ang linggo dahil sa pangamba ng publiko sa posibleng pagtaas ng presyo.
May ilang pamilya naman ang naghahanda na ng alternatibong paraan ng pagluluto upang makatipid sakaling tumaas ang presyo ng LPG.
Kaugnay nito, nagbabala ang Department of Energy sa mga retailer at distributor laban sa hoarding at profiteering kasunod ng mga ulat ng posibleng iregularidad sa suplay.










