DAGUPAN CITY—Isang sunog ang tumupok sa isang residential house sa Bonuan Boquig kagabi, ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon kay Jhun Eland Wanawan, City Fire Marshall ng BFP, natanggap ang tawag tungkol sa sunog bandang 9:39 ng gabi. Kaagad namang nag-deploy ang mga firemen bandang 9:46 ng gabi.

Ang nasunog na bahay ay tirahan ng anim na miyembro ng pamilya. Sa kabutihang palad, walang nasaktan o namatay, at pansamantala silang nananatili sa evacuation center.

--Ads--

Iniulat na sanhi ng sunog ang nakalimutang niluluto sa kusina, iniwan ng ama ng pamilya na nasa ilalim ng impluwensya ng alak, kaya nakalimutan niyang alisin ang niluluto at nakatulog. Dahil sa lakas ng apoy, halos lahat ng gamit ng pamilya ay natupok. Tinataya naman ng BFP na umabot sa halos P25,000 ang kabuuang pinsala.

Walang ibang establisimyento ang naapektuhan, at naapula ang apoy bandang 10:00 ng gabi. Ayon sa BFP, ito na ang ikapitong residential fire sa lungsod ng Dagupan ngayong taon.