Inihayag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA Dagupan na hindi pa opisyal na nag-umpisa ang tag-init sa kabila ng nararanasang paunti-unting pagtaas ng temperatura.
Ayon kay Jun Soriano ang Weather Observer I ng nasabing opisina kasalukuyan pang nararamdaman ang epekto ng northeast monsoon sa ilang bahagi ng bansa, partikular sa extreme northern portion ng bansa kaya’t hindi pa maaaring i-deklara ang opisyal na tag-init o Dry season.
Aniya na kahit pa hindi opisyal na tag-init, sinimulan na nila ang pagtutok sa Heat Index noong March 1 kung saan nakapagtala sila ng 40°C ngunit bahagyang bumaba sa 38°C noong Marso 2 at 3 habang ngayong araw ang forecast heat index ay nasa 37°C.
Saad nito, inaasahan na sa ikalawang linggo ng buwan ay maaaring mag-deklara na sila ng opisyal na pagsisimula ng tag-init.
Pagbabahagi nito na noong nakaraang taon, nagsimula ang opisyal na deklarasyon nang ikatlong linggo ng Marso kung saan ang pinakamataas na naitala nilang heat index sa Dagupan ay nasa mahigit 50°C na nasa extreme Danger.
Sa kabilang banda, bagamat hindi pa inaasahan ang malakas na pag-ulan o bagyo ngayong buwan, tiniyak ni Soriano na patuloy nilang mino-monitor ang panahon kung saan nakikita nilang nasa isa ang papasok ngayong buwan na bagyo.
Hindi pa rin inaasahan ang malakas na pag-ulan sa buwang ito, pero tiniyak na maaaring may mga bahagi ng bansa na makaranas ng kalakasan ng hangin.
Dahil dito, nagpaalala ito sa mga residente at indibidwal na maghanda at mag-ingat, lalo na ang mga nagtatrabaho sa labas dahil sa mainit na temperatura upang maiwasan ang heat stroke at dehydration
Umiwas din sa exposure sa araw ng alas 10 ng umaga hanggang alas 3 at 4 ng hapon kung saan dapat palaging uminom ng maraming tubig, at mas mainam na lamang ang indoor activities kapag mainit ang panahon.










