DAGUPAN CITY- Hinihiling ng Samahan ng mga Domestic Helper sa gobyerno na mauna sa mga aksyon para matulungan ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nasa bansang apektado ng giyera.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lucy Ortega, marami na ang lumalapit sa kanilang grupo upang humingi ng tulong subalit, ang kanilang magagawa lamang ay mailapit ang mga ito sa gobyerno.
Aniya, hindi rin tuluyan mahahatiran ng tulong ang mga ito kung hindi rin magkakaroon ng pagkilos ang pamahalaan.
Mas mabuti aniyang mabigyan ng repatriation ang mga OFW sa Middle East para sa kanilang kaligtasan.
Nadamay man sa pagpapasabog ang ilang paliparan sa ilang bansa, tulad ng Dubai at Kuwait, ay nananwagan sila sa gobyerno na gawan ng agarang paraan ang pagpapauwi ng mga apektadong Pilipino.
Samantala, giit ni Ortega, kinakailangan na magkaroon ng maayos na trabaho na may sapat na sahod sa Pilipinas upang hindi na mangibang bansa pa ang mga OFW.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang pagdami ng mga OFW dahil sa patuloy din pinapalakas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang labor policy.
Isang patunay umano si Mary Anne Velasquez de Vera na napipilitan harapin ng mga OFW ang panganib sa ibang bansa dahil sa kahirapan at mababang oportunidad sa bansa.
Matatandaan na kamakailan lamang nang mapaulat ang pagkasawi ni de Vera sa Tel Aviv, Israel matapos itong madamay sa missile strike ng Iran.
Nangyari ito habang sinusubukan niyang dalhin sa bomb shelter ang kaniyang inaalagaan subalit, nangyari ang hindi inaasahan.










