Dagupan City – Puspusan na ang paghahanda ng Philippine National Police Lingayen para sa nalalapit na Bagoong Festival na gaganapin mula Marso 18 hanggang 20 sa bayan ng Lingayen.

Ayon kay PLtCol Junmar C. Gonzales, kasalukuyan nang pinal na inaayos ang deployment plan ng mga pulis at iba pang katuwang na ahensya upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at seguridad sa buong selebrasyon.

Nakikipag-ugnayan na rin ang kapulisan sa mga concerned agencies na tutulong sa traffic management at pagpapanatili ng kaayusan sa mga pangunahing kalsada.

--Ads--

Binubuo na rin ang detalyadong operational plan para sa naturang festival.

Kapag ito ay naaprubahan, ipapasa ito sa Pangasinan Police Provincial Office at daraan din sa pag-apruba ng tanggapan ni Mayor Eday Castaneda.

Sa oras na maaprubahan ang plano, ilalathala ito sa social media platforms, kabilang ang opisyal na Facebook page ng Lingayen Police Station at information office ng bayan, upang maipabatid sa publiko ang traffic flow, security measures, at mga rerouting scheme.

Sa kasalukuyan, inaasahang minimal lamang ang ipatutupad na rerouting upang hindi gaanong maabala ang mga motorista habang ginaganap ang Bagoong Festival.