Hindi bababa sa 200 katao ang nasawi at daan-daan pa ang nasugatan matapos tamaan ng umano’y tatlong missile ang isang paaralan sa bayan ng Minab, lalawigan ng Hormozgan, sa gitna ng malawakang air strike ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, ayon sa mga opisyal ng pamahalaan at mga humanitarian group.
Kinondena ni Pangulong Masoud Pezeshkian ang pangyayari at tinawag itong isang “barbaric act” at “panibagong madilim na pahina sa talaan ng hindi mabilang na krimen ng mga agresor.”
Gayunman, wala pang kumpirmasyon mula sa Estados Unidos at Israel hinggil sa umano’y pag-atake sa paaralan, na matatagpuan malapit sa isang base ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) .
Ayon sa Iranian Red Crescent, hindi bababa sa 201 katao sa buong bansa ang nasawi sa mga pag-atake, habang 747 naman ang sugatan.
Samantala, sinabi ng mga opisyal ng International Red Cross and Red Crescent Movement sa Geneva na agad silang nagpakilos ng mga response team patungo sa nasabing paaralan matapos ang insidente.










