Pinagaan ng National Food Authority (NFA) ang mga patakaran nito sa pagbili ng palay upang matulungan ang mga magsasaka na kumita nang mas malaki ngayong kasagsagan ng anihan.

Ayon sa NFA, binago nito ang mga patakaran sa pagbili ng palay matapos tipunin ang mga magsasaka, rice miller, retailer, at mga opisyal sa field sa central office nito sa Quezon City upang suriin at i-update ang mga pamantayang pamamaraan ng operasyon bago ang pagdagsa ng ani.

Kabilang sa mahahalagang rebisyon ang muling pagre-recalibrate o pagtukoy sa kung ano ang maituturing na “tuyong palay.”

--Ads--

Bilang pagtugon sa kahilingan ng mga magsasaka, sinabi ng NFA na pinalawak nito ang tinatanggap na moisture content range sa 11% hanggang 14%, kapalit ng mas makitid na benchmark na 12% hanggang 14% na kadalasang nagiging dahilan ng pagtanggi sa mga delivery.

Ang pagbabagong ito ay nagbibigay-daan sa mas maraming magsasaka na makamit ang mas mataas na presyo ng pagbili nang hindi bumababa ang uri o kalidad sa technical grounds.

Pinanatili rin ng NFA ang buying price nito sa P17 kada kilo para sa sariwa o basang palay at P21 kada kilo para sa tuyo.

Sinabi ng NFA na sa loob ng maraming taon ay nagrereklamo ang mga magsasaka na ang mahihigpit na patakaran ng ahensiya sa pagbili ay nagtutulak sa kanila na lumapit sa mga pribadong trader na nag-aalok ng mas mababang farmgate price ngunit mas mabilis ang pagbabayad ng cash.