Dagupan City – Inihayag ni Marcelino Villafuerte II, Deputy Administrator for Research and Development ng Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), na karaniwan nang nakararanas ng mas mataas na temperatura sa bansa pagsapit ng mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo.

Regular na naglalabas ang ahensya ng heat index forecast tuwing unang araw ng Marso, kasabay ng impormasyon hinggil sa forecast maximum at average temperature bilang gabay sa publiko sa pagsisimula ng mainit na panahon.

Bukod sa opisyal na website ng PAGASA, maaaring ma-access ng publiko ang interactive map na nagpapakita ng aktuwal na naitalang heat index at ang inaasahang heat index sa susunod na tatlong araw.

--Ads--

Layunin nitong mabigyan ng sapat na babala ang mga mamamayan upang makaiwas sa heat-related illnesses at iba pang panganib dulot ng matinding init.

Sa kasalukuyan, nananatili pa sa kondisyon ng La Niña ang bansa, bagamat inaasahang magtatapos ito sa pagitan ng Enero hanggang Marso at lilipat sa neutral condition pagsapit ng huling bahagi ng Marso.

Sa ilalim ng neutral condition, hindi inaasahang mas magiging mainit kumpara sa panahon ng El Niño.

Binigyang-diin ng ahensya na ang regular na paglalabas ng heat index at temperature forecast ay bahagi ng kanilang mandato upang maging gabay ng publiko sa paghahanda at pag-iingat tuwing tag-init.