‎Mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaang barangay ng Binday sa bayan ng San Fabian ang pag-eendorso at pag-aalok ng anumang produkto sa loob ng kanilang nasasakupan bilang hakbang laban sa mga insidente ng panloloko.

Layunin ng ordinansa na maprotektahan ang mga residente mula sa mga indibidwal na nagpapakilalang lehitimong nagbebenta ngunit sangkot umano sa scam.

‎Ayon kay Punong Barangay Christie Ymasa, ipinatupad ang naturang patakaran matapos maitala ang ilang kaso ng panlilinlang sa lugar.

Kabilang sa mga iniulat ang pagbebenta ng umano’y pekeng liquefied petroleum gas o LPG, kung saan may ilang residente ang nabiktima matapos makabili ng produktong hindi awtorisado at pinagdududahan ang kalidad.

Naitala rin ang iba pang modus tulad ng tinatawag na “haplos” o panlilinlang na may kasamang pisikal na paglapit sa biktima, pati na ang alok na koneksiyon sa internet na gumagamit ng pangalan ng kilalang service provider.

--Ads--

Sa huli, kinukuha umano ang router ng aplikante matapos manghingi ng bayad, na nagiging sanhi ng reklamo mula sa mga residente.

Nilinaw ng pamahalaang barangay na hindi tuluyang ipinagbabawal ang mga lehitimong nagtitinda at serbisyo, ngunit kinakailangang dumaan ang mga ito sa tamang proseso at kumuha ng pahintulot.

Inaatasan din silang pumwesto lamang sa barangay hall upang masubaybayan ang kanilang operasyon at matiyak ang kaligtasan ng komunidad.