Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang pamilya ni Jose de Venecia Jr. sa Sangguniang Panlungsod ng Dagupan City kaugnay ng dalawang panukalang ordinansa na layong parangalan ang naging ambag ng dating House Speaker sa serbisyo publiko.
Plano ng Local Government Unit of Dagupan City na ideklara ang Disyembre 26 ng bawat taon bilang “Speaker Jose de Venecia Day” bilang pagkilala sa kanyang buhay, pamana, at malawak na kontribusyon hindi lamang sa lungsod kundi maging sa buong bansa.
Sa isinagawang committee hearing, sinabi ni Atty. Gerald Tabadero, kinatawan ng pamilya de Venecia, na ikinalulugod ng kanilang pamilya ang naturang hakbang at positibo ang kanilang pagtanggap sa mga panukala ng lungsod.
Sa ilalim ng Draft Ordinance No. 0-019-2026, opisyal na itatakda ang Disyembre 26 bilang “Speaker Jose de Venecia Day.” Samantala, layunin naman ng Draft Ordinance No. 0-020-2026 na maitatag ang taunang “Speaker Jose de Venecia Leadership and Public Service Commemoration,” na magsisilbing serye ng mga aktibidad tuwing kaparehong petsa.
Kabilang sa mga planong programa ang mga seremonya, leadership forums, civic at educational activities, at iba pang gawaing magpapalaganap ng kahalagahan ng tapat, responsable, at makabayang pamumuno.
Ayon naman kay Dagupan City Councilor Michael Fernandez, mahalagang maisabatas ang mga inisyatibang ito upang magsilbing inspirasyon lalo na sa kabataan ang halimbawa ng dedikasyon ni de Venecia sa pamahalaan at demokrasya, at upang mapanatili ang kanyang makasaysayang papel bilang isa sa mga pinakamatagal na nagsilbing lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa oras na maaprubahan, inaasahang magiging taunang paggunita ito ng lungsod bilang pagkilala sa kanyang legasiya sa syudad ng Dagupan.








