DAGUPAN CITY- Naging matibay umano ang presentasyon ng mga prosecutor sa mga ebidensya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC) sa unang dalawang araw ng confirmation of charges hearing habang naging mahina ang panimula ng defense panel.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, aniya, karamihan sa mga eksperto ay nakikitang matibay at mabigat ang mga pinresenta ng mga prosecutor lalo na’t sariling salita mismo ng dating pangulo ang ginamit bilang pangunahing ebidensya.

Kabilang na rito ang pag-utos ni FPRRD sa mga kapulisan na pumaslang, mga pagbanta, at marami pang mga dokumento na nagpakita ng sistematiko at organisadong pagpaslang sa war on drugs.

--Ads--

Naniniwala si Prof. Simbulan na mahihirapan ang defense sa pagharang ng palilitis ng dating pangulo.

Gayunpaman, kaniyang ikinadismaya ang ipinakitang performance ni Atty. Nicolas Kaufman, na isang kilalang beteranong abogado sa ICC.

Bagaman, marami nang kaso ng iba’t ibang lider ang dinepensahan nito, hindi aniya naging matibay ang opening statement nito bagkus, tila naging mababaw at pagbuod lamang sa salita ng mga trolls ang ginamitn ito.

Giit naman ni Simbulan na nakakahiya sa buong mundo na naghalal ang Pilipinas ng isang lider na pinagmamalaki ang pagpaslang nito sa sariling bayan.

Sang-ayon naman siya sa pagbalik ng Pilipinas sa pagiging miyembro ng ICC.