Inaresto ng pulisya sa London noong Lunes ang dating ambassador ng United Kingdom sa Estados Unidos na si Peter Mandelson, dahil sa hinalang misconduct in public office o maling paggamit ng pampublikong posisyon.

Ang pag-aresto ay kasunod ng mga pagbubunyag hinggil sa kanyang ugnayan sa nahatulang sex offender na si Jeffrey Epstein.

Si Mandelson, 72 taong gulang, ay tinanggal sa kanyang tungkulin noong Setyembre mula sa isa sa pinakamataas at pinakaprestihiyosong posisyon sa serbisyong diplomatiko ng Britain, matapos lumalim ang pagkakabunyag ng kanyang pakikipagkaibigan kay Epstein.

--Ads--

Mas maaga ngayong buwan, nagsimula ang pulisya ng pormal na imbestigasyong kriminal laban kay Mandelson matapos ipasa ng pamahalaan ni Punong Ministro Keir Starmer ang mga komunikasyon sa pagitan ng dating embahador at ni Epstein sa mga awtoridad.

Nauna rito sa araw ng pag-aresto, nakunan ng video si Mandelson habang umaalis sa kanyang tahanan sa gitnang London kasama ang mga pulis na nakasibilyan at may suot na body cameras, bago isinakay sa isang sasakyan.

Ayon sa mga awtoridad, ang pag-aresto ay nangangahulugang may sapat na hinala ang pulisya na maaaring may nagawang krimen, ngunit hindi ito nangangahulugang napatunayang nagkasala ang isang indibidwal.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ng mga abogado ni Mandelson.