DAGUPAN CITY- Halos maputol na ang daliri ng isang 33-anyos na lalaki sa Brgy. Copataan, syudad ng San Carlos matapoa mauwi sa karahasan ang matagal umanong hindi pagkakaunawaan ng magbayaw.

Kinilala ang biktima na isang construction worker, habang ang suspek naman ay 36-anyos na construction worker din at residente ng nasabing lugar.

Ayon kay PCapt. Aldrin Tamayo, Deputy COP ng San Carlos City PS, batay sa paunang imbestigasyon, nagtungo umano ang biktima sa bahay ng suspek habang nakainom at hinamon ito ng suntukan.

--Ads--

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa tuluyang lumala ang sitwasyon.

Sa gitna ng kaguluhan, kumuha ng mahabang itak ang suspek at hinabol ang biktima.

Tinangka umanong tagain ng suspek sa ulo ang biktima ngunit naiharang nito ang kanyang kaliwang kamay upang depensahan ang sarili.

Dahil dito aniya ay nagtamo ang biktima ng malalim na hiwa sa kaliwang palad at halos maputol ang isa nitong daliri.

Naisampa na ang kasong frustrated homicide laban sa suspek. Ayon pa kay Tamayo, wala namang ibang nadamay sa insidente.

Samantala, sinabi ni Barangay Captain Edilberto Rodel Pamintuan ng Barangay Capataan na paiigtingin nila ang pagbabantay lalo na sa mga lugar na may nag-iinuman upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Inatasan na rin ang mga barangay tanod na maging alerto at magtalaga ng mas maayos na pagbabantay sa iba’t ibang bahagi ng barangay upang mas mabilis na marespondehan ang anumang gulo.

Inaayos na rin ang mga CCTV camera sa lugar at nakipag-ugnayan na ang pamunuan ng barangay sa pulisya para sa mas mahigpit na koordinasyon.

Ayon sa barangay, handa naman umano ang magkabilang panig na mag-usap upang maayos ang kanilang alitan.