Hindi pa tiyak kung tuluyang uusad sa korte para sa paglilitis, ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil nasa initial phase pa lamang ang confirmation of charges.
Ayon kay Atty. Francis Abril, consultant at political analyst, ang kasalukuyang proseso ay naglalayong suriin muna kung may sapat na ebidensya at testigo bago tuluyang maipasok sa trial proper.
Sa phase na ito, tinitingnan muna ng prosecutor kung may sapat na listahan ng ebidensya at testigo na maipapresenta.
Ani Abril, kung mahina ang ebidensya sa assessment pa lamang, puwede itong i-dismiss.
Idinagdag niya na bahagi rin ito ng legal strategy ng kampo ni Duterte, na maaaring mapakinabangan sa unang round ng pagsusuri.
Ayon kay Abril, ang confirmation of charges ay nagsisimula sa local prosecution office, kung saan sinusuri kung tatayo ba ang kaso sa korte at kung sapat ang sinumpaang salaysay ng mga complainant.
Tinalakay din niya ang pagkakaiba ng proseso sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa.
Dito, uunahin muna ang assessment ng prosecutor sa listahan ng mga testigo at alegasyon bago magsimula ang trial proper.
Pagdating ng trial, parehong maririnig ang testimonya ng akusado at ng biktima bago gumawa ng desisyon ang korte.
Bukod pa dito may mga pagkakataon na ini-invoke ang self-defense o justification, na tinitingnan din sa trial proper upang masiguro ang patas na desisyon.
Dagdag niya ang buong proseso ay isang maingat at prudent na hakbang upang maprotektahan ang parehong partido at tiyakin na may matibay na basehan bago umabot sa full trial.










