Dagupan City – Inilarawan ni Board Member Jerry Rosario si dating 5 times Speaker Jose De Venecia Jr. bilang hindi lamang isang politiko, kundi isang “consensus maker” at “deal maker” na nagbuklod sa iba’t ibang pwersang politikal.
Ayon kay Rosario, nagawa ni De Venecia na suportahan ang mga proyekto ni dating Pangulong Ramos sa kabila ng maliit na margin ng pagkapanalo nito bilang speaker.
Sa pamamagitan niya, nabuo ang “Rainbow Coalition” at naipasa ang mga batas na nakatulong sa bansa.
Binigyang-diin ni Rosario ang kahusayan ni De Venecia sa paghikayat sa mga tao na magkaisa para sa iisang layunin dahil sa kanyang sinseridad.
Hinikayat din niya ang lahat na tularan ang dating mambabatas sa kanyang simpleng pamumuhay at tapat na paglilingkod.
Binanggit din ni Rosario ang mga proyekto ng 7-time Congressman sa District 4, tulad ng mga school buildings at scholarship program, na nagdulot ng positibong pagbabago sa buhay ng mga tao.
Samantala, ibinahagi ni Karen Joy Gundran, isang vendor sa harap ng simbahan sa Manaoag, ang kanyang alaala at pagpapahalaga kay De Venecia matapos ang huling misa.
Sinadya niyang magtinda nang maaga upang masilayan sa huling sandali ang labi nito bago dalhin sa Batasang Pambansa.
Naalala ni Gundran ang pagbisita ni De Venecia at ng asawang si Manay Gina sa bahay ng kanyang lolo noong siya’y bata pa.
Binigyang-diin niya ang malaking kontribusyon ni De Venecia sa District 4, kabilang ang bayan ng Manaoag, at ang mga proyekto at ayuda na kanilang natanggap.
Dagdag pa ni Gundran, bilang isang vendor, nakikita niya ang pagkilala at mga benepisyong natatanggap nila sa Manaoag.
Kaya naman, nagpaabot din siya ng pakikiramay kay Manang Gina de Venecia at sa kanilang anak na si Christopher “Toff” De Venecia.










