Kwinestyon ni Davao City Representative Paolo Duterte ang timing ng paghahain ng mga impeachment complaint laban sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte
Ayon kay Duterte, tila sinasadyang ilihis ng mga hakbang na ito ang atensyon ng publiko mula sa umano’y maanomalyang flood control projects. Pahayag niya, matapos ang sunod-sunod na imbestigasyon—kabilang ang ICI probe at pag-usad ng Senate Blue Ribbon inquiry—bigla na lamang umanong nawala ang ingay ng mga ito.
Sa halip, ayon kay Duterte, ang itinutulak ngayon ay isang “carefully planned impeachment spectacle,” kasabay ng palitan ng pahayag sa pagitan ng Senado at ng Chinese Embassy kaugnay ng West Philippine Sea.
Samantala, itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang mga espekulasyong may kaugnayan ang mga impeachment complaint sa umano’y plano ng term-sharing sa Senate presidency. Ayon sa kanya, wala umanong anumang komunikasyon o plano na ipinaabot sa kanya, at wala rin siyang ugnayan sa mga senador.
Dagdag pa ni VP Sara, may mga senador umano na tinatakot, sinasampahan ng kaso, o hina-harass kapag siya ay nilalapitan o kinakausap.
Sa kasalukuyan, tatlong impeachment complaints na ang inihain laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara at naipadala na rin sa tanggapan ni House Speaker Bogie Dy III. At inaasahang maisasama ang mga ito sa order of business sa plenaryo sa mga susunod na araw.










