DAGUPAN CITY- Ipinamalas ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa San Carlos City Jail sa ilalim ng BJMP San Carlos City ang iba’t ibang produktong handmae na inihahanda para sa nalalapit na Valentine’s Day, tampok ang mga handmade na bulaklak o bouquet at iba pang pandekorasyon na maaaring iregalo o ipang-display.

Ayon kay JCINSP Marlon C. Niturada, Acting City Jail Warden ng BJMP San Carlos City, tuloy-tuloy ang isinasagawang livelihood programs at skills enhancement trainings sa loob ng kulungan upang mas mapaunlad ang kakayahan ng mga PDL at maihanda sila sa mas maayos na pamumuhay kapag sila ay nakalaya na.

Aniya na bukod sa mga produktong pang-Valentine’s Day, patuloy ring gumagawa ang mga PDL ng iba’t ibang livelihood items.

--Ads--

Layunin ng mga programang ito na magsilbing paraan ng disiplina, paghubog ng kasanayan, at paghahanda sa kanila para sa pagkakaroon ng dagdag na kita sa hinaharap.

Dagdag pa ni Niturada, ang nalilikom na kita mula sa pagbebenta ng kanilang mga produkto ay ginagamit bilang pantustos sa kanilang pangangailangan sa loob ng pasilidad, habang ang ilan ay naipapadala rin sa kanilang mga pamilya at kamag-anak sa labas.

Sa kasalukuyan, ang mga produkto ng PDL ay ibinebenta sa mga bumibisita sa city jail at sa ilang ahensya, habang may hiling din ang pamunuan na mabigyan ng pagkakataong maipakita at maibenta sa labas ng pasilidad ang kanilang mga gawa, lalo na ang mga tampok na produkto para sa Valentine’s Day.

Bukas din umano ang BJMP San Carlos City sa pagtanggap ng mga order, patunay na ang mga produktong gawa ng PDL ay kayang makipagsabayan sa kalidad ng mga produktong mabibili sa labas.

Inaanyayahan ang publiko na tangkilikin at suportahan ang mga produktong gawa ng mga PDLs.