Dagupan City – Pinalakas ng Bayambang Police Station ang adbokasiya laban sa pambabastos at iba pang banta sa kaayusan matapos magsagawa ng isang lecture hinggil sa Republic Act 11313 o Safe Spaces Act.

Isinagawa ang aktibidad upang palawakin ang kaalaman ng mga dumalo sa mahahalagang probisyon ng batas at bigyang-halaga ang papel nito sa pagtataguyod ng respeto, disiplina, at pagkakapantay-pantay sa komunidad.

Tinalakay kung paano nakatutulong ang Safe Spaces Act sa paglikha ng ligtas na espasyo para sa lahat, lalo na sa mga pampublikong lugar.

--Ads--

Kasabay nito, ipinaabot din sa mga kalahok ang mahahalagang impormasyon ukol sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga.

Isinama rin sa talakayan ang Executive Order 70 o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na nagbibigay-diin sa sama-samang responsibilidad ng pamahalaan at mamamayan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Ito ay upang paigtingin ang kamalayan ng publiko at palakasin ang ugnayan ng komunidad tungo sa ligtas at mapayapang lipunan.