Naghahanda na umano si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sakaling kailanganin niyang gampanan ang tungkulin bilang Presiding Officer ng Senado kung may impeachment case na umakyat laban sa sinumang opisyal ng pamahalaan.
Ayon sa mga ulat, sinimulan na ni Sotto ang serye ng mga briefing at konsultasyon kasama ang ilang mahistrado mula sa Court of Appeals (CA) at Court of Tax Appeals (CTA) upang mas mapalalim ang kanyang kaalaman sa mga teknikal na aspeto ng impeachment process.
Kabilang sa mga tinatalakay sa mga pagpupulong ang rules of impeachment, tamang pagtitimbang ng ebidensiya, at ang mga pamamaraan sa criminal proceedings na maaaring maging bahagi ng paglilitis sa Senado.
Layunin umano nito na matiyak na magiging maayos, patas, at naaayon sa batas ang paghawak ng Senado sa anumang posibleng impeachment trial.
Bilang Senate President, si Sotto ang inaasahang mamumuno sa mga sesyon at magtitiyak na nasusunod ang mga patakaran ng Konstitusyon at ng Senado sakaling pormal na maisampa ang isang impeachment case.










