Tila numbers game ang nangyaring pagbasura ng House Justice panel sa dalawang impeachment complaint kay Pangulong Marcos.

Ayon kay Atty. Edward Chico, isang law professor at political analyst, bago pa man umabot sa Senado ang isang impeachment complaint, dumaraan muna ito sa pagsusuri ng mga mambabatas upang matiyak kung may sapat na batayan ang mga alegasyon.

Sa kasong ito, nagpasya ang Kamara na hindi sapat ang mga paratang upang ituloy ang proseso.

--Ads--

Ayon kay Chico, malinaw sa naging deliberasyon ng mga mambabatas na isang “numbers game” ang impeachment process.

Aniya, dalawang opsyon lamang ang maaaring kahantungan ng usapin ang ibasura o ipagpatuloy ito na kapwa nakasalalay sa bilang ng mga sumusuportang mambabatas.

Tinukoy rin niya na kung sakaling itinuloy ang pagdinig, maaaring mapunta sa alanganin ang pangulo.

Marahil mapipilitang magsalita ang pangulo, lalo na kung haharap siya sa mga sensitibong alegasyon, gaya ng isyu ng paggamit umano ng ilegal na droga.

Ani Chico, anuman ang kanyang sagot tama man o mali maaari siyang maipit.

Dagdag pa niya, hindi lamang ang bigat ng mga paratang ang mahalaga sa impeachment kundi pati ang mandato at suporta ng nakararaming mambabatas, dahilan kung bakit mahirap talagang magtagumpay ang ganitong proseso.

Saad niya lahat ng ito ay talagang may halong politika.

Nilinaw rin ni Chico na bagama’t maaaring muling maghain ng impeachment complaint, kinakailangang maghintay ng isang taon alinsunod sa one-year ban rule, na layong maiwasan ang pangha-harass sa mga halal na opisyal.

Samantala, binigyang-diin niya na ang pangulo ay may immunity sa mga kaso habang nasa puwesto.

Gayunman, kung may mapapatunayang pagnanakaw o paglabag sa batas, maaari itong isampa sa korte sa tamang panahon, ngunit hindi na sa pamamagitan ng impeachment.