Kinumpirma ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region 1 na umabot sa 11 illegal quarry operations ang pinahinto noong 2025 matapos matuklasang wala ang mga ito ng kaukulang permit to operate.
Ayon kay Regional Director Engr. Carlos Tayag, ipinatupad ang mga cease and desist orders (CDO) laban sa mga operator na karamihan ay matatagpuan sa District 6 ng Pangasinan, kung saan walang naipakitang legal na dokumento para makapagsagawa ng quarrying activities.
Aniya na, matapos ang pagpapahinto, ang ilang operator ay nag-apply ng permit upang gawing legal ang kanilang operasyon, habang ang mga hindi sumunod sa kautusan ng ahensya ay kinasuhan ng kriminal at inireklamo sa Provincial Prosecutor’s Office.
Dagdag pa ng opisyal, mahigpit ang MGB sa pagpapatupad ng batas laban sa illegal quarrying dahil kinukumpiska ang mga quarry materials at mga sasakyang ginamit, gaya ng mga trak, kapag nahuling walang sapat na dokumento ang mga operator.
Nabatid na nakapagsampa na ang MGB Region 1 ng ilang reklamo, at nasa Provincial Prosecutor na ang pagpapasya kung ang mga ito ay ibabasura o uusad bilang ganap na kaso sa korte.
Binigyang-diin ni Engr. Tayag na mahigpit at dumadaan sa masusing proseso ang pagkuha ng quarry permit, alinsunod sa Mining Act at Local Government Code, kabilang ang pagkuha ng endorsement mula sa barangay, munisipyo, iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng DPWH, NIA at TransCo pati na rin ang pagkuha ng pahintulot mula sa mga pribadong land owner kung may apektadong lupa.
Ipinaliwanag din ni Tayag ang pagkakaiba ng commercial at industrial sand and gravel permits kung saan para sa commercial sand and gravel, ang permit ay may bisa ng isang taon at maaaring i-renew ng isa pang taon habang ang industrial sand and gravel, na may kasamang processing plants tulad ng crushing at sizing, ay may bisa ng limang taon, renewable ng panibagong limang taon, ngunit hindi lalampas sa 25 taon.
Sa huli, muling iginiit ng MGB Region 1 ang kanilang paninindigan laban sa ilegal na quarrying at hinikayat ang lahat ng operator na sumunod sa batas at kumpletuhin ang lahat ng requirements bago magsagawa ng anumang quarry operation.










